1. text

    AKINSE (Isang Kwentong Ipagmamalaki Ko Sa Mundo)

    Sweldo? Higit pa dyan.

    Sa totoo lang, matagal ko nang sinusubukan na gumawa ng isang tulad nito para sa’yo pero sa tuwing sinusubukan ko, nauubusan ako ng sasabihin. Huwag mong masamain na wala akong masabi. Sa katunayan, hindi ko lang kayang hanapin ang mga tamang salita kung paano ko ba dapat sabihin sayo ang totoong nararamdaman ko. Minsan naman, nauunahan ako ng emosyon ko. Hindi ko na maituloy dahil alam mo naman kung gaano ako kaiyakin, hindi ba?

    Tulad ng palagi kong sinasabi, ni minsan hindi ko naman inasahan ang nangyari sa atin. Sa totoo lang, bago tayo dumating sa pagkakataon na ‘yon, ikaw na siguro ang pinakahuling tao na gusto kong magkaroon ng kaugnayan, maliban sa pagkakaibigan. Alam mo naman na siguro ang dahilan kung bakit. Masaya ako noon na kasama ka hindi dahil gusto kita pero dahil masaya lang talaga akong kasama ka. Ikaw yung kaibigan na pwede akong maging totoo lang. Kahit magmukha akong tanga sa harap mo, ayos lang. Wala naman akong pakialam dahil hindi naman kita gusto. Ni minsan, hindi ko naisip na magpaganda o magpa-cute man lang sa’yo.  Pero hindi mo lang alam kung paano mo binago ang buhay ko.

    Aaminin ko na duda talaga ako sa’yo noong una. Hindi kasi talaga kita maalala. Sinasabi mo sa akin na malapit tayo noon sa isa’t-isa pero kahit anong gawin ko, talagang wala akong matandaan. Salamat na lang talaga sa profile picture mo noon sa Facebook. Ngayon ko lang ito sasabihin, oo, noong mga panahon na yon, ang tingin ko sa’yo ay napakagwapo mo.

    Dumating na nga ang araw na nagkita tayong muli pagkatapos ng walong taon na walang kahit ano mang uri ng komunikasyon. Sa pagkakakwento sa akin ng ilang mga kaibigan, nagkakilala tayo ng Enero ng 2003. Kaya kung iisipin, wala pang tatlong buwan ang sinasabi mong pagkakalapit natin noon. Pero sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, sa Makati, buwan ng Oktubre, nang muli tayong magkita, para bang mabilis nating nakuha ang loob ng isa’t-isa. Pero sa totoo lang, ngayon ko lang ulit ito sasabhin pero nung nakita kita noon, nadismaya ako, kasi, mas gwapo ka sa litrato. Huwag ka magalit, babawi ako mamaya.

    Sa pagkikitang yon, ni hindi sumagi sa isip ko na mamahalin kita ng ganito. Pero ang alam ko, mas lalalim pa ang pagkakaibigan natin pagkatapos ng gabing iyon. At lumipas ang mga araw at buwan, halos palagi na tayong nagkikita. Sa katunayan, tinutukso na nga tayo ng iba. Hindi tayo nagpaapekto. O ako lang ba ang hindi? Alam mo naman na nung mga panahon na yon, nasa isa akong sitwasyon na hindi ko na kalianman gusto pang balikan. Habang nagpapakatanga ako sa ibang tao, nasasaktan na pala kita. Nasasaktan sa pisikal dahil palagi kitang sinasampal. Nasasaktan sa damdamin, dahil mahal mo na pala ako.

    Nang malaman ko ito, hindi talaga ako makapaniwala. Para sa akin kasi, talagang pagkakaibigan lang ang meron tayo. Palagi man tayong magkasama, ni minsan hindi ko pinag-isipang iyon ay may malisya. Natutuwa ako noon dahil sa pag-aalaga mo sakin pero akala ko, ganon ka lang talaga sa mga kaibigan mo.

    Maaring noong sinagot kita, nadala lang ako. Saan? Sa paghingi ng mga senyales, sa panunukso ng mga kaibigan at ganun na din sa mga ginagawa mo para sa akin. Para bang masyado nang mamalim ang pinagsamahan natin para hindi kita sagutin. Kaya naman isang akinse, dumating ang araw na pinakahihintay mo, siya namang araw na talagang hindi ako sigurado.

    Pero mula noong araw na ‘yon ng akinse, hanggang ngayong araw na to, pinatunayan mo sakin na tama ang desisyon ko. Kaya kong sabihin na walang sinuman ang tulad mo sa buhay ko. Kung paano mo ako nirespeto, inalagaan, pinagkatiwalaan, pinagsilbihan at minahal. Gaano man kahaba ang abutin nito, hindi ko kayang ilarawan ang pagsasama nating dalawa. Hindi magiging sapat ang mga salita para sabhin ang lahat ng nararamadaman ko ngayon. Ang alam ko lang, marami man ang problema, magaan ang puso ko at masaya.

    Maaring isipin ng maraming tao na parang mabilis ang naging mga desisyon natin, alam ko naman na pareho rin nating naiisip yon. Ilang panahon na lang, malapit nang magsimula ang bagong yugto ng buhay natin. Ang pag-asa natin na matupad ang pangarap nating dalawa, ang mabuhay ng magkasama habambuhay. Sa kabila ng lahat ng alinlangan, masaya ako at naniniwla akong may basbas ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa buhay natin ngayon. Kung hindi man tayo sigurado sa maaring mangyari pagkatapos nito, ang mahalaga, magkasama nating haharapin ito. Gusto kong malaman mo na wala akong ibang gustong mangyari kundi ang bumuo ng pamilya kasama mo. Hindi na ako makapaghintay sa pag-uwi mo. Nag-iba ang buhay ko simula nang umalis ka. Palaging may kulang. Gabi-gabi pa ring nililinis ng mga luha ang aking mga mata. Pero huwag kang mag-alala, magiging matatag ako. Maghihintay lang ako sa pagbabalik mo.

    Mahal na mahal kita.

About








I am Apple Jane Bernardino.

I photograph memories, I write my life story. Wanderlust is love. Red nails are fab. Fashion is passion. I ♥ God and beaches. Engaged to Juan Carlo Enriquez.

i ♥ LOVE.


see posts
☛iLIKE
Want to ask something?
☛click here
Want to share anything?
☛click here

You can also check my other sites:

☛ facebook
☛ twitter
☛ multiply

DISCLAIMER: I don't own the photos here unless stated otherwise. Either I reposted these from someone here in Tumblr or found it in the world wide web while internet whoring. So if you'd like for a photo/s to be removed please let me know. Email me here: applebernardino20@yahoo.com.

Thanks and enjoy my site :)


Search

People I follow